POPULAR »
Sat 18 October 2025

Stallion FC, tinalo ang Tuloy FC 19-0 sa PFF Women’s Cup

[supsystic-social-sharing id="1"]

Walang awang tinambakan ng defending champion Stallion Laguna ang Tuloy F.C., 19-0, sa pagbubukas ng 2025 Philippine Football Federation (PFF) Women’s Cup Sabado sa SM Mall of Asia Sky Turf.

Nag-init ang kapitana at Filipinas top forward Chandler McDaniel sa pagtikada ng double hat-trick, kung saan nakaiskor siya ng tigatlo kada half.

Tigalawang goal ang ambag nina Kena Davidson, Mia Bookhard, Tayla Christensen, Ativor Holali, at dating Filipina5 member Lyka Teves samantalang tig-isang goal sina Malia Cerdon, Isabella Villaflor, at Kirara Ogawa.

Malayo ang agwat ng labang ito kumpara sa final ng Ang Liga Filipina Invitation noong Agosto, kung saan nalusutan ng McDaniel-less na Stallion ang Tuloy, 3-2.

“This is the team that we’re preparing to go to Vietnam and play in group stage and get some really hard competition,” ani McDaniel, na may pagtukoy sa paparating na torneo ng Stallion sa 2025-26 AFC Women’s Asian Champions League group stage na magsisimula sa Nobyembre 13 sa Ho Chi Minh City.

Hindi naman nabilang ang sana’y consolation goal ng Tuloy sa dulo ng laro sapagkat offside ang midfielder na si Jade Ann Jalique.

Hindi naglaro para sa Tuloy ang kanilang mga star player na sina Isabella Bandoja, Lanie Ortillo, Louraine Evangelista, at Yurika Valdevioso dahil sa paglahok sa kanilang mga pambansang koponan.

“Our team’s looking pretty strong because we’re getting ready for AFC, so I think that we’ll come out and we should be able to show a really good [fight],” dagdag ni McDaniel.

Susunod na sasagupain ng Stallion ang 2025 PFF Women’s League champion Kaya Iloilo sa Oktubre 19, 6:20 ng gabi, sa MOA Sky Pitch. Walang bayad ang panonood ng laro.



[supsystic-social-sharing id="2"]