*This piece has little to no spoilers about the movie*
“May laro! May laro!”
Pili ka ng kakampi. Kunin mo yung mabilis. Tapos yung mahaba ang kamay. Piliin mo na rin yung mga sakto maglaro, huwag lang yung patalo.
Ngunit para kay Meng Francisco, sa baranggay nilang adik sa patintero, kahit siya ang madalas matira sa court sa huling balik at isang point na lang ang kailangan, lagi siyang nalalaglag. Patalo siya, kahit parang hindi naman talaga.
Sa pelikulang “Patintero: Ang Alamat Ni Meng Patalo,” susubukan ng bidang si Meng na manalo. Sawa na siyang matalo, kahit ang team name nila ng grade-conscious na si Nicay, noob na si Shifty, at ng misteryosong medyo overpowered na si Z-Boy ay “Mga Patalo.” Self-deprecating ang dating ngunit akma bilang isang underdog story: sila ang Mga Patalo, at hindi sila magpapatalo.
Pambata ang pelikula — may kwento ng pamilya, pagkakaibigan, pagsubok,at paglaki — kahit may panaka-nakang bagsak ng ‘pakshet’ at ‘gago’. Huwag nang magpanggap na hindi exposed ang kabataan sa mga malulutong na mura ng matatanda. Mild ang language, kaya ito Rated G ng MTRCB. Matibay rin ang gustong marating ng bida, at kung ano man ang pinaglalaban niya.
“Sa patintero, nananalo raw ang pinakamabilis tumakbo. Pero sa totoo lang, nananalo ang pinakamatatag na puso.”
Ilang beses nang ginasgas ang “puso” tuwing pinag-uusapan ang palakasan. Ngunit kung ang tinatalakay ay mga batang nagagasgasan ng tuhod tuwing nadadapa, mainam na pantulak para makabangon ang kanilang saloobin: para saan ang paglalaro? Hindi ito grand dream na para sa bayan o para sa liga. Simple lang ang gustong marating ng pelikula. Ano ito? Panoorin mo.

Clockwise: Meng, Shifty, Z-Boy, at Nicay
Panalo ang Alamat ni Meng Patalo sa larangan ng nostalgia. Pamilyar ang mga kotseng nakaparada, kamukha ng mga natatamaan mo noong naglalaro ka pa sa kalye. Walang cellphone at may 2-Peso coin, kaya kahit hindi lantaran, 90s ang dating ng pelikula.
Ang hamon ngayon sa Alamat ay kung paano maaantig ang mga batang lumaking hindi pinapawisan sa kalsada kundi sa harap ng teknolohiya. Mapaglaro kaya nila ang iilang makakapanood? Hayaan kaya sila ng mga magulang o nakatatanda na mag-patintero?
Habulin mo na ang Patintero bago pa mawalan ng oras. Hindi sigurado kung ilang balik pa ang natitira bago ito mawalan sa sinehan. Hindi sayang ang pera sa isang indie na tunay na pambata. Hindi rin masamang bumalik sa pagkabata habang pinapanood ang Patintero.
Sa huli, isa lang ang bumagabag sa akin sa pelikula. Hindi ang visual effects ng laro (nakakatuwa ang mga naisisingit sa slow-mo), o ilang punto ng kwento, kundi:
Nasaan ang patotot?