POPULAR »
Sat 7 December 2024

Pilipinas pasok sa FIBA OQT semis

[supsystic-social-sharing id="1"]

Buhay ang pag-asa ng Philippine men’s national basketball team na makapasok sa Olympics matapos biguin ang kampanya ng world number 23 Georgia, 94-96, sa 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia, Huwebes ng gabi.

Bagamat nanalo, kinakailangan ng Georgia na lumamang sa Gilas nang mahigit 19 na puntos para makaabante sa semifinals.

Bunsod ito ng pagkatambak ng Georgia sa Group A opening game nito, 55-83, kontra Latvia, na siyang ginapi ng Pilipinas kaninang madaling umaga, 89-80.

Inamin ni Pilipinas head coach Tim Cone na hindi inaasahan ang pag-abante ng Pilipinas sa semifinals at nakabili na ng ticket bukas papuntang Maynila.

“We have our tickets to leave tomorrow… so I guess we have to move them back a little bit. That is how surprised we are,” anang 25-time PBA champion coach.

Kayang makasilat ang Georgia matapos buksan ang laro sa pamamagitan ng 16-0 run at maitayo ang 40-20 na kalamangan sa first half dahil sa mainit na laro ni Sandro Mamukelashvili ng San Antonio Spurs, Goga Bitadze ng Orlando Magic, at Tornike Shengelia na dating manlalaro ng Brooklyn Nets.

Lumala pa ang lagay ng Pilipinas matapos ma-injure ang dibdib ng 7’3” center Kai Sotto sa gitna ng second quarter.

Natamo ni Sotto ang injury nang madaganan ni Bitadze matapos sahuran ni Joe Thomasson, na tinawagan ng unsportsmanlike foul.

Hindi na nakabalik si Sotto sa laro at agad itong dinala sa ospital, kung saan kinukumpirma pa ang antas ng kanyang injury, ayon kay Cone.

“We don’t have any news on that yet, whether he can go forward,” ani Cone.

Bagamat walang rim protector, hinabol ng Gilas ang 12 puntos na lamang ng Georgia sa halftime matapos ang sunod-sunod na basket nina Justin Brownlee, Dwight Ramos, at Carl Tamayo.

Sinubukan pa ring umabante ang Georgia at naitayo ang pitong puntos na lamang sa fourth quarter dahil sa shooting ni Mamukelashvili at pagdomina ni Bitadze sa ilalim subalit tinapos ni CJ Perez ang laro na may sampung kabit-kabit na puntos para maiwasan ang anumang pagragasa ng Georgia.

“We got ourselves in our situation but the Philippines came out to play,” ani Bitadze. “They are a great basketball team. It was our fault, they fed on our mistakes.”

Tumikada si Brownlee ng 28 puntos, walong rebounds, at walong assists para pangunahan ang Pilipinas samantalang nagtulong-tulong sina Ramos, Perez, at Chris Newsome para umiskor ng 43 puntos.

Pumutok para sa 26 puntos at limang triples si Mamukelashvili para sa Georgia samantalang umambag si Bitadze ng 21 puntos at 11 rebounds.

Susunod na makakalaban ng Pilipinas (world number 37) ang anuman sa Brazil (world number 12), Montenegro (world number 17), o Cameroon (world number 68) sa semifinals sa Sabado.

* * *

 



[supsystic-social-sharing id="2"]