POPULAR »
Thu 30 April 2026

PADAYON: Bigo man sa Norway, Filipinas tinupad ang pangako sa World Cup

[supsystic-social-sharing id="1"]

Kinapos ang Pilipinas sa kauna-unahan nitong pagsabak sa prestihiyosong FIFA World Cup matapos malunod sa rumaragasang opensa ng Norway, 0-6, sa huling laban sa Group Linggo ng hapon sa Auckland.

Bangungot man ang sinapit ng Filipinas sa kamay ng pandaigdigang kampeon noong 1995 at kasalukuyang world number 12, natupad pa rin ng pambansang koponan ng mga kababaihang futbolista ang pangakong hindi lamang lalaro sa World Cup, kundi manalo.

Lilisan ang Filipinas sa New Zealand baon ang kauna-unahang panalo ng bansa sa World Cup matapos biguin ang co-hosts, 1-0, noong Martes gayundin ang pag-asang hindi pa ito ang huling sabak ng bansa sa quadrennial event.

Subalit ang dalawang talo nito sa kamay ng Switzerland at Norway ang siyang nagsara ng pintuan upang makarating sa knockout rounds.

Nasa panghuling pwesto ang Filipinas sa Group A tangan ang tatlong puntos samantalang nasa unang pwesto ang Switzerland nang may limang puntos (isang panalo at dalawang tabla) samantalang pasok sa round of 16 ang Norway nang may apat na puntos (isang panalo, isang tabla, at isang talo).

May apat na puntos din ang New Zealand na may kaparehong kartada ng Norway matapos ang 0-0 na tabla kontra Switzerland kaalinsabay ng laro ng Pilipinas subalit nagresulta ito ng mas maliit na -5 goal difference sa Norway.

Bagamat bigo, ipinagdiwang pa rin ng koponan, na giniyahan ng bantog na head coach Alen Stajcic, ang makasaysayang kampanya sa pinakamataas na antas ng team sports sa buong mundo.

“Welcome to the football party. Welcome to the football family,” mensahe ni Stajcic sa libo-libong Pilipinong sumubaybay sa kanilang mga laban. “It doesn’t matter how long you take to get there, we’ll embrace everyone.”

Bagyo mula sa norte

May tsansa sana ang Filipinas na makalusot sa round of 16 matapos ng kanilang tagumpay sa New Zealand kung matatalo o matatabla nila ang Norway, laluna’t wala sa lineup ang superstar na si Ada Hegerberg dahil sa groin injury samantalang naiulat ang tampuhan sa pagitan ng kanilang coach na si Hege Riise at kanilang star forward na si Caroline Graham Hansen.

At bagamat may mga puna sa depensa ng Norway sa nagdaang taon, todo bigay ang mga taga-norte sa opensa sa pamamagitan ng pag-atake sa kaliwa, kung saan sinamantala nila ang mahinang laro ng right back na si Alicia Barker.

Maagang nakauna si forward Sophie Roman Haug, na siyang pumalit kay Hegerberg, sa ika-anim na minuto kontra Barker matapos masalo ang lob pass ni Thea Bjelde mula sa kanan para sa kauna-unahang goal ng Norway sa kasalukuyang World Cup matapos mabokya sa New Zealand at Switzerland.

Parehong play ang ipinamalas ng Norway sa ika-17 minute matapos malampasang muli ni Haug ang depensa ni Barker at maka-goal sa pamamagitan ng header matapos ng kanang lob pass ni Vilde Bøe Risa.

Kinumpleto ni Haug ang hat-trick sa ika-90+5 na minuto sa pamamagitan ng header mula sa left cross ni Guro Reiten.

Nakaiskor naman sa malayo si Graham Hansen sa ika-31 minuto samantalang aksidenteng masipa ni Barker ang bola sa goal ng Pilipinas sa ika-48 minuto mula sa right cross ni Frida Maanum para tuluyang makalayo ang Norway.

Pagkatapos ng limang minuto, naipasok ni Reiten ang penalty kick matapos siyang ma-foul ni Jaclyn Sawicki sa loob ng six-yard box.

Lumala pa ang problema ng Filipinas matapos mapalayas sa laro ang defender na si Sofia Harrison dahil sa red card matapos niyang makaldag si Bjelde sa isang loose ball situation sa attacking third ng Norway sa ika-67 na minuto.

Sampung minuto lang ang nilaro ni Harrison, na siyang kadalasang starting left back ng Pinas, matapos palitan ang starting forward na si Isabella Flanigan sa second half.

“Norway is a superstar team, not only in the World Cup but professionally,” ani Sarina Bolden, na natapalan ng tsansang maka-goal sa ikalawang minuto.

Bagama’t bigo, puno pa rin ng pag-asa si Katrina Guillou, na nakaatake sa goal ng Norway noong ika-67 na minuto, hinggil sa patuloy na paglago ng futbol sa Pilipinas

“I know that [football] is still growing back home and I know people have just come out for this game so I see that type of impact we have and hopefully we see that through our grassroots program,” aniya.

Susunod na sasabak ang Filipinas sa Asian Games sa Hangzhou sa Setyembre kung saan makakagrupo nila sa Group E ang Timog Korea, na nanganganib malaglag sa Group H ng World Cup matapos matalo sa Colombia at Morocco.

Makakalaban din ng Pilipinas sa Asian Games group stage ang Myanmar at Hong Kong, na mga natalo nila sa mga nagdaang laban.

* * *

 

 

 



[supsystic-social-sharing id="2"]