Parang ipo-ipo ang paglanos ng Pinay pool hustler na si Chezka Centeno ang three-time world 9-ball champion na si Han Yu ng Tsina, 9-5, upang mapanalunan ang 2023 WPA Women’s World 10-Ball Championship sa Klagenfurt, Austria Linggo ng gabi.
Rumagasa ang four-time SEA Games gold medalist para sa maagang 4-1 lead bunsod ng kabit-kabit na pag-ubos ng mga bola bunga ng dry breaks at bad shots ni Han.
Subalit nakadikit ang beteranang Tsina sa dalawang magkasunod na scratch ni Centeno—una ay ang scratch sa plesing nya sa uno sa rack 8 at pangalawa ay scratch sa kanyang sargo sa rack 9—na siyang sinamantala ni Han para makadikit, 4-5.
Subalit hindi masolusyonan ni Han ang kahinaan nya sa sargo kung kaya’t nakaubos ng tatlong magkasunod na rack si Centeno—dalawa rito mula sa sargo ni Han—para makaungos, 8-5.
Tuluyang natalo si Han sa panghuling laro matapos ibenta ang plesing nya sa kwatro.
Mabilis pa sa alas-kwatro ang pag-ubos ni Centeno sa natitirang mga bola, kabilang na rito ang manipis na pina sa sais sa kanang center pocket, upang makamit ang kampeonato.
“This is my dream, to be world champion,” bulalas ni Centeno sa awarding ceremony.
Ito ang unang kampeonato mundial ni Centeno samantalang siya ang ika-siyam na Pinoy world pool champion sa singles play.
Naunang nakamit ng kapwa Pinay Rubilen Amit ang tropeo sa WPA Women’s 10-ball Championship noong 2009 at 2013.
Kabilang na rin ang 24-anyos na Centeno sa listahan ng mga nagdaang Pinoy world champions na kinabibilangan nina Efren “Bata” Reyes, Django Bustamante, Alex Pagulayan, Ronnie Alcano, Carlo Biado, Dennis Orcollo, Lee Vann Corteza, at Amit.
* * *



